Binigyang parangal ng Armed Forces of the Philippines ngayong araw ang tauhan ng Philippine Navy na nagtamo ng malubhang injury sa isinagawang resupply mission sa Ayungin shoal noong Lunes, Hunyo 17 matapos i-harass ng Chinese forces.
Iginawad kay Seaman First Class Jeffrey Facundo ang “wounded personnel medal” mula kay AFP chief Romeo Brawner Jr. na personal na binisita ang bedridden na Navy personnel.
Sinabihan naman ni Brawner ang nasugatang Navy personnel na magpagaling at huwag mawawalan ng pag-asa at nakahanda aniya silang magbigay sa mga kailangan nito.
Pinasalamatan naman ni Facundo ang AFP sa iginawad sa kaniyang medalya subalit tumanggi itong sagutin ang katanungan ng kawani ng media kaugnay sa natamo nitong injury na naputulan ito ng daliri at kung ano ang nangyari sa kasagsagan ng kanilang resupply mission dahil hindi ito awtorisadong magsalita hinggil sa insidente.
Una na ngang napaulat na hinarang, binangga at sumampa pa ang mga China Coast Guard personnel sa maliit na bangka ng Pilipinas na nagresulta nga sa pagkakasugat ng 8 tauhan ng PH Navy habang isinasagawa ang resupply mission.