-- Advertisements --

Mariing kinontra ng Commission on Elections (Comelec) ang anggulong nagkaroon ng dayaan sa resulta ng halalan sa Maguindanao noong May 13, 2019 midterm elections dahil sa nakitang ballot box sa gitna ng baha.

Una rito, isang ballot box na may laman pang mga balota ang natagpuan ng isang residente sa Datu Salibo, Maguindanao.

Ayon kay alyas Modz, namataan niya ang ballot box na palutang lutang kaya ipinagbigay-alam niya ito sa iba pang tao.

Giit ni Comelec Spokesman James Jimenez, nawala ang nasabing mga balota pagkatapos na ng bilangan kaya maayos namang nakapagdeklara ng nanalong kandidato sa lugar.

Nabatid na mayroong 9,504 registered voters sa bayan ng Datu Salibo, kung saan halos 5,000 ang lumahok sa nagdaang halalan.

Sa kabila nito, patuloy umano ang isinasagawang imbestigasyon upang malaman kung sino ang nasa likod ng pagnanakaw ng ballot box at mga balotang laman nito.