-- Advertisements --

Pinaburan ng 17 senador ang pagsasapubliko ng naging laman ng executive session ng Senate committee on justice noong nakaraang linggo para sa imbestigasyon ng good conduct time allowance (GCTA) at iba pang isyu sa Bureau of Corrections (BuCor).

Matatandaang sa nasabing pulong, isa sa mga naging resource person si dating CIDG chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Doon ay isiniwalat ni Magalong ang pangalan ng ilang pulis na umano’y dawit sa pagre-recycle ng iligal na droga.

Pero dahil nagdulot ito ng samu’t-saring espikulasyon, minabuti ni Sen. Ronald dela Rosa na himukin ang lupon na isapubliko na lang ang mga impormasyong isiniwalat ni Magalong.

May ilan kasing nag-uugnay na sa ilang aktibong heneral ng pulisya at iba pang personalidad para lang mabuo ang ilang kwento ukol sa “ninja cops.”

Sa ngayon, wala pang pinal na pasya ukol sa mungkahi si Sen. Richard Gordon, na siyang chairman ng Senate committee on justice at blue ribbon.