Matapos mag-concede, lumahok sa rally ng mga grupong kumukuwestiyon sa kredibilidad ng halalan si “Otso Diretso” senatoriable Erin Tañada.
Pinangunahan ng grupong Tindig Pilipinas at Akbayan ang rally sa harap ng Philippine International Convention Center (PICC) kung saan ginagawa ang national canvassing para sa senatoriables at party-list.
Anila, maraming dapat ipaliwanag ang Comelec para maging katanggap-tanggap sa tao ang resulta ng halalan noong Lunes at nais nilang ipagpaliban ng komisyon ang pagproklama ng mga nanalong kandidato.
Nanindigan naman ang Comelec na walang nangyaring dayaan sa nakalipas na halalan.
Ayon sa poll body, bagamat pumalya ang ilang makina at SD Cards, hindi anila ito naka-apekto sa kabuuang resulta ng halalan.
Nanindigan din ang Comelec na hindi nito mahahadlangan ang pagproklama nila sa mga nanalong national candidates.