KALIBO, Aklan – Iimbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang umano’y pagtigil ng konstruksyon ng mga proyektong imprastraktura sa isla ng Boracay.
Ayon kay Board Member Esel Flores at residente rin ng Boracay na simula noong Pebrero ay hindi na umuusad ang ginagawang mga proyekto na kinabibilangan ng pagpapalapad ng kalsada at pag-aayos ng drainage system.
Mistulang naging “eye sore” umano ito sa mga bisita at dayuhang turista.
Nakatakdang ipatawag sa pagdinig sa Lunes si DPWH-Aklan District Engr. Noel Fuentebella, Provincial Engr. Edelzon Magalit at mga taga Boracay Inter-Agency Task Force upang magbigay linaw sa isyu.
Nabatid na umani ng batikos ang task force matapos bahain ang ilang bahagi ng Boracay noong Linggo sa halos apat na oras na pag-ulan.