Naging emosyonal daw ang National Artist for Music at multi-awarded Filipino composer Ryan Cayabyab nang matanggap ang balitang isa siya sa limang ginawaran ng pretihiyosong Ramon Magsaysay Awards ngayong taon.
Si Ryan Pujante Cayabyab o mas kilala bilang Mr. C ay tanyag sa kaniyang mga awitin tulad na lamang ng “Kay Ganda ng Ating Musika” na nagwagi ng grand prize sa kauna-unahang Metro Manila popular music festival noong 1978 at international song festival sa South Korea sa parehong taon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Mr. C, ikinuwento nito ang kaniyang naging reaksyon nang malaman nito ang magandang balita mula sa Ramon Magsaysay Award Foundation.
Inamin din ni Cayabyab na medyo nanliit siya sa kaniyang mga kapwa awardees dahil siya lamang ang tanging nakapasok mula sa music industry.
Kasama ni Mr. C na pararangalan sa Lunes, Setyembre 9, sina Ko Swe Win, isang editor mula Myanmar, Indian Journalist na si Ravish Kumar, nurse mula Thailand na si Angkhana Neelapaijit at Kim Jong-Ki mula South Korea.
Kaugnay nito, nagpahayag din si Mr. C ng kaniyang excitement at pagiging bukas nito na muling maging isa sa mga hurado para sa grand finals ng Bombo Music Festival 2020.