-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang nangyaring pagpatay sa national athlete na si Mervin Guarte.

Si Guarte ay pinatay habang natutulog kanina sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Ang 33-anyos na multi-medalist at miyembro ng Philippine Air Force (PAF) ay pinaniniwalaang inatake ng salarin habang natutulog sa bahay ng isang opisyal ng barangay.

Isang hindi nakikilalang suspek ang pumasok umano sa bahay nito at sinaksak si Guarte sa dibdib bago tumakas, base na rin sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) MIMAROPA.

Kinondena ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor ang pagpatay at nangako ng mabilis na hustisya.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Philippine Sports Commission (PSC) sa biglaang pagkasawi ng SEA Games goldmedalist na si Guarte.