CAUAYAN CITY – Magsisimula na sa buwan ng Hulyo ang bubble training ng mga national athletes ng bansa bilang paghahanda sa Tokyo Olympics at Southeast Asian Games.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Philip Ella Juico, president ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na sa July 15, 2021 magsisimula na ang pagsasanay ng mga atleta ng bansa sa Baguio City.
Aniya, nasa 40 atleta at 10 coaches ang magtutungo sa Baguio City na mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Magtatapos naman ang kanilang pagsasanay sa huling linggo ng Oktubre.
Umaasa naman sila na maibibigay ang suporta sa mga atleta mula sa Philippine Sports Commission.
Ayon sa kanya, maraming pinaghahandaan ang mga atleta ng bansa kabilang na ang Tokyo Olympics at Southeast Asian Games kaya tuluy-tuloy ang kanilang pag-eensayo kahit sila ay nasa kani-kanilang lugar.
Umaasa naman ang PATAFA na kahit walang naging competition ang mga national athletes ng bansa ay ibibigay pa rin nila ang lahat ng kanilang makakaya para mapanalunan ang kanilang mga laro.