Muling binigyang diin ng Philippine Red Cross (PRC) na ang isang unit ng dugo ay makakapagligtas ng buhay ng hanggang tatlong tao.
Ayon sa World Health Organization (WHO), para magkaroon ang isang bansa ng sapat na suplay ng dugo, kailangang mag-donate ng dugo ang kahit isang porsyento ng kabuuang populasyon nito taun-taon.
Sa mga geographically isolated na lugar sa buong bansa, maraming Pilipino at mga ospital ang may limitadong access sa sapat at dekalidad na suplay ng dugo.
Sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Donor ng Dugo ngayong Hulyo, binibigyang-pugay ng Philippine Red Cross (PRC) ang milyun-milyong mga donor ng dugo, ahensya, organisasyon, at mga ospital na nagbigay-daan para magkaroon ng universal na access sa ligtas na suplay ng dugo.
Hinimok ni PRC Chairman at CEO Dick Gordon ang bawat Pilipino na maging aktibo sa pagdo-donate ng dugo.
Simula noong 1948, nananatili ang PRC bilang isa sa mga pangunahing tagapag-suplay ng ligtas at dekalidad na dugo sa bansa.
Noong 2023, nakuha ng PRC ang 537,523 na unit ng dugo at ipinamahagi ang 539,608, na tumulong sa 263,282 na pasyente.
Samantala, mula Enero hanggang Hunyo 2024, ipinamahagi ng PRC ang 260,104 na yunit ng dugo, na tumulong sa 129,456 na pasyenteng may komplikasyon sa pagbubuntis, dengue, aksidente, at operasyon para sa kanser.
Sa pamumuno ni Gordon, pinalawak ng PRC ang kanilang mga blood service facilities sa pamamagitan ng pagbili ng blood bank equipment o pagtatayo ng mga chapter at branches na may blood facilities upang mas maabot ang mas maraming benepisyaryo.
Sa kasalukuyan, mayroong 32 na blood centers at 75 na blood station/collection sites ang PRC.