ILOILO CITY – Nagpapatuloy ang kampanya ng National Commission for Senior Citizens para mahikayat ang higit walong milyong senior citizens sa bansa na i-avail ang health insurance premiums.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Franklin Quijano, chairperson ng naturang commission, sinabi nito na sa pamamagitan ng annual regular medical check-up, malalaman ng senior citizens ang kanilang maintenance needs na maaring ibigay ng Department of Health at ng local government units.
Ito ay kabilang sa programa ng gobyerno kung saan nakalaan ang halos higit P43 billion para sa one-year health insurance premiums ng 8.59 million senior citizens sa buong Pilipinas.
Napag-alamang sa ilalim ng Expanded Senior Citizens Act, lahat ng senior citizens ay dapat covered ng National Health Insurance Program ng Philippine Health Insurance Corporation.
Target ng programa na ibigay ang health insurance coverage at titiyaking may access ang senior citizens sa cost-effective at de-kalidad na serbisyo medikal.
Ayon pa kay Quijano, nagpapatuloy rin ang komisyon sa paghahanap ng mga lugar sa iba-ibang rehiyon sa bansa kung saan maaaring itayo ang regional offices para sa mas epektibong serbisyo sa mga matatanda.