-- Advertisements --

CEBU – Umaasa si OPAV Undersecretary Anthony Gerard “Jonji” Gonzales na hindi masisira ang partido ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan o PDP-Laban.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Usec. Gonzales, sinabi nitong hintayin na lang ang magiging resulta ng isinagawang national convention ng PDP-Laban dito sa lungsod ng Cebu, kung saan tinalakay ang mga ginawa ng administrasyon laban sa COVID-19 pandemic at ang pagpapakita ng mga miyembro sa partido sa kanilang suporta kay Pangulong Duterte.

Ayon sa opisyal na pinag-usapan din umano ang mga importanteng bagay na kailangang pagde-desisyonan ng partido, bagay na hindi na i-dinetalye ni Gonzales.

Nilinaw din ni Usec. Gonzales na hindi nagpakita si Senator Manny Pacquiao sa nasabing pagpupulong ngunit live via Zoom ang representante nito na si Negros Oriental Representative Arnie Teves.

Aniya, nag-manifest si Congressman Teves na hindi ituloy ang nasabing pagpupulong ngunit hindi ito nakakuha ng majority vote sa mga dumalo sa nasabing pagpupulong.

Habang, buo naman ang tiwala ni Cabinet Secretary Karlo Nograles kay Pangulong Duterte sa i-endorso nitong standard bearer ng PDP-Laban.

Kumpyansa itong mananalo ang kung sino man ang tatakbong pangulo sa ilalim ng PDP-Laban.

Kanya ring sinabi na buo ang suporta ng partido sa kung sino man ang i-endorso ni Pangulong Duterte.

Nilinaw rin ni Sec. Nograles na hindi ito magiging kasali sa mga pagpipili-an na tatakbong pangulo sa ilalim ng kanilang partido.