Ikinadismaya ng National Council of Churches in the Philippines ang pagbasura ng Sandiganbayan sa ill-gotten wealth case laban sa pamilya Marcos at plunder case laban kay dating Senate President Juan Ponce Enrile.
Sa isang statement, sinabi ng grupo na ang pagbasura sa mga kaso ay nagsisilbing isang nakakalungkot na paalala kung gaano kahirap makamit ang hustisiya at mapanagot ang mga nasa kapangyarihan sa kanilang mga aksiyon.
Inamin din ng grupo ang epekto ng mahabang paglilitis sa mga akusado at paghina ng mga kaso subalit ikinalungkot din nito ang malinaw na hindi patas na pagtrato sa mga mayroong koneksiyon at impluwensiya kumpara sa mga karaniwang mamamayan.
Sinabi din ng grupo na ang mga corrupt o tiwaling pulitiko ay ginagamit ang kanilang kayamanan at mga koneksiyon para pagandahin ang kanilang imahe at upang makatakbong muli sa public office o maipasa ang kanilang posisyon sa kanilang kamag-anak habang ang mga taong naghihirap dahil sa kanilang korupsiyon ay patuloy na pinapasan ang mga consequences sa mga susunod na henerasyon dahil nagpapatuloy ang impunity sa political system.
Kaugnay nito, pinayuhan ng grupo ang publiko na manatiling mapanuri laban sa mga public official na inaabuso ang kanilang posisyon para sa personal na kapakinabangan sa halip na maglingkod para sa kapakanan at interes ng mga ordinaryong mamamayan.
Sa huli, umapela ang grupo sa publiko na masusing kilatisin ang mga kandidato sa darating na halalan sa 2025 at hinimok din ang publiko na iloklok ang mga kandidatong walang bahid ng korupsiyon at consistent ang pagseserbisyo para sa marginalized sector.