Nakikiisa ang National Council of Churches in the Philippines sa milyon-milyong mananampalataya sa buong mundo na nagluluksa sa pagpanaw ni Pope Francis.
Kinilala ng konseho ang namayapang Santo Papa bilang champion sa pangangalaga sa kapaligiran at climate justice.
Nanindigan din umano ang Santo Papa sa mga taong tahimik na nagpoprotekta sa mundo habang kinikilala na ang pangangalaga sa mga likha ng Diyos ay isang moral at spiritual calling, bagay na labis na kailangan sa ngayon.
Ginunita rin ng NCCP kung paano nagsilbing boses ng mga migrant at mga refugee ang Santo Papa.
Kasabay ito ng kaniyang tuloy-tuloy na pagtindig para sa pag-iral ng kapayapaan sa Palestine, pagpapalaganap ng tigil-putukan, pagpapakawala sa mga bihag, at pagpasok ng humanitarian aid sa Gaza.
Binalikan din ng konseho ang pagpuna ng Santo Papa sa umano’y pang-aabusong nangyayari laban sa mga mangagawa at mga magsasaka sa buong mundo.
Lahat ng ito, ayon sa NCCP, ay nagpapakita kung paano pinahalagahan ng namayapang Santo Papa ang buong mundo, mahihirap na sektor, at mga inaapi, kasabay ng pagsisilbi bilang pinakamataas na lider ng Simbahang Katolika.