Iginagalang umano ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang ginawang pagbasura ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa kanilang rekomendasyon na ilagay ang buong bansa sa state of national calamity.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Assistant Secretary Raffy Alejandro, spokesman ng NDRRMC, sinabi nito na ang kanilang panukala naman sa pangulo ay bilang sagot na rin sa hiling na sila ay maging pro-active.
Maging ang presidente raw noong weekend ay sinabi na rin na pag-aaralan ang kanilang rekomendasyon.
Sa kabila nito ayon pa kay Asec. Alejandro, gusto naman daw kasi ng pangulo na mag-focus sila sa mga hardest hit areas, tulad na lamang ng areas ng BARMM.
Kung ito naman daw ang desisyon ng chief executive na wala ng deklarasyon ng nationwide state of calamity at maging localized na lamang ay ito rin naman ang susundin nila.
“Yan po ang desisyon niya we will be just focusing on localized relief and recovery operations sa area na hardest hit. Ito ang gusto niya na mag-focus tayo doon sa mga areas na pinakamalaking damage na lugar,” ani Asec. Alejandro sa Bombo Radyo. “Yon nga doon sa mga localized effect hindi kailangan na buong bansa ang i-declare per let me emphasized doon sa naunang meeting natin sinabi na niya, na pag-aralan niya, titingnan niya kung puwede by region na lang or talagang doon lang sa hardest hit. So, ‘yon naman po desisyon naman niya yan, ‘kami naman po ay naka-focus doon sa hardest hit areas.”