-- Advertisements --
abra

Hindi bababa sa anim na tao ang nasugatan habang ilang bahay ang nasira nang yumanig ang malakas na magnitude 6.7 na lindol sa Abra at mga kalapit na lalawigan sa Northern Luzon.

Patuloy na sinusuri ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang naitalang pinsala sa imprastraktura at bahay kaugnay sa lindol na tumama doon.

Dalawang imprastraktura na ang naitalang nasira sa Allacapan, Cagayan.

Sinabi ng municipal government na dalawang kalsada ang nagtamo ng maliliit na bitak.

Sa Aparri naman, dalawang bahay ang nasira — isang partially at isang totally damage.

Naranasan naman ang power interruptions sa Allacapan at Gattaran, Cagayan.

Ang mga bahagi ng Iglesia Filipina Independiente church sa La Paz, Abra, ay napinsala din ng lindol.

Makikita sa mga larawan ang malalaking bitak sa mga dingding at kisame ng gusali ng simbahan.

Suspendido ang klase sa Abra, Ilocos Norte, Ilocos Sur at Bontoc, Mountain Province ngayong araw dahil sa lindol.

Batay sa earthquake bulletin, sinabi ng Phivolcs na ang epicenter ng lindol, na tumama dakong 10:59 p.m., ay pitong kilometro sa hilagang-kanluran ng Lagayan, Abra.

Ang lindol na tectonic ang pinagmulan ang sentro ay may lalim na 11 kilometro.