-- Advertisements --

Nangako ang National Football League (NFL) na tutulong sa mga biktima ng malawakang wildfire sa Los Angeles, California.

Batay sa statement na inilabas ng NFL ngayong araw, magbibigay ito, kasama ang ilang team, ng $5 million para suportahan ang mga komunidad sa LA na labis na napinsala sa nagpapatuloy na wildfire.

Ang naturang halaga ay mula sa pinagsama-samang donasyon ng ilang mga team: ang Rams at Chargers na kapwa nakabase sa LA, at ang Minnesota Vikings at Houston Texans.

Ang apat na team ay magbibigay ng tig-$1 million na donasyon at tatapatan naman ito ng NFL Foundation.

Ang naturang tulong ay mapupunta sa Los Angeles Fire Department Foundation na tumutulong sa mga first responder sa malawakang sunog at American Red Cross, na tumutulong sa mga apektadong residente.

Ayon kay NFL Commissioner Roger Goodell, ang tulong ay bilang pagkilala sa kabayanihan ng mga responder at mga residente na sumuporta sa kanilang mga kapwa sa kabila ng banta ng wildfire.

Tiniyak din ng NFL na magpapatuloy ang pagsuporta nito sa mga komunidad na labis na napinsala sa malawakang wildfire, kasama ang mga team sa buong liga.