Siniguro ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang kahandaan nito sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Kabayan.
Ayon sa NGCP, una na itong nag-abiso sa mga local offices upang mapaghandaan ang anumang epekto ng naturang bagyo, kabilang ang inspection sa lahat ng pasilidad, transmission facilities, atbp.
Kabilang din dito ang pagtiyak sa pagkakaroon ng sapat na kagamitan sa komunikasyon, sapat na hardware materials na maaaring gamitin sakaling kakailanganin ang repair o pag-aayos, at pag preposisyon sa mga linement sa mga inaasahang tatamaan ng bagyo upang kaagad silang makatugon sa anumang pangangailangan.
Ayon sa opisina, nananatili pa rin sa normal operation ang mga transmission facilities at mga transmission lines sa mga lugar sa Mindanao at Visayas na siyang pangunahing inaasahang tatamaan ng bagyo.
Lahat ng nakalatag sa Integrated Disaster Action Plan ng NGCP ay isinasagawa na, para matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon at monitoring nito. – GENESIS RACHO