Pinag-aaralan ngayon ng Philippine Statistics Authority ang paglalagay ng pirma sa disenyo ng National Identification (ID) card.
Ginawa ng ahensya ang pahayag sa isinagawang pagdinig ng senado sa 2025 budget ng National Economic and Development Authority.
Dito ay natanong ni Senador Grace Poe ang NEDA kung ano ang kanilang ginagawang hakbang upang matugunan ang mga reklamo ng ilang indibidwal na nakatanggap ng unang disenyo ng ID card.
Reklamo ng ilan, hindi tinatanggap ng ibang establishment at ilang bangko dahil sa kawalan nito ng lagda.
Sinagot naman ito ni PSA Chief Dennis Mapa at sinabing naghahanap na sila ngayon ng bagong contractor na mag-iimprenta ng mga National ID card at kasama na ang lagda sa magiging disenyo.
Paliwanag nito na maaari namang ipa-update ng mga ID holder na walang pirma ang kanilang physical ID card.
Samantala, hindi pa aniya tukoy ng kanilang ahensya kung magpapataw sila ng bayad sa mga gustong magpa update.
Tinutulan naman ito ni Poe, at sinabing hindi naman kasalanan ng card holder kung walang pirma ang kanilang ID.
Batay sa datos ng PSA, aabot na sa 55 million physical National ID cards ang matagumpay na na print ng dating service provider ng BSP na AllCard Inc,.
Aabot na rin sa 53.5 million ID cards ang na deliver ng ahensya.