Ibinida ng National Irrigation Administration-7 ang kanilang nagpapatuloy na big ticket projects at mga hinaharap na programa sa patubig na pakikinabangan ng nasa mahigit 61,200 na benepisyaryong magsasaka sa rehiyon.
Inihayag ni NIA-7 Regional Manager Engr. Rory Avance na as of Dec. 2023, mahigit 21,000 na ektarya ng lupain ang napaunlad para sa proyekto at irrigation system.
Sinabi pa ni Avance na sa lalawigan ng Bohol, kabilang sa nagpapatuloy na proyekto ay ang Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation project na nasa 99.28% accomplishment rate; Calunasan Small Reservoir Irrigation project sa 94.43%, Bonotbonot Small Reservoir Irrigation project sa 73.67%,Malinao Dam Improvement project sa 25.69% accomplishment rate at Hibale Small Reservoir Irrigation project sa 17.49%.
Binigyang-diin pa niya ang kahalagahan ng proyektong ito sa pagpapalawak ng saklaw ng irigasyon, pagtaas ng mga ani ng agrikultura, at pagbibigay ng napapanatiling suplay ng tubig para sa mga magsasaka.
Bukod pa rito, mayroon ding big ticket project sa Negros Oriental – ang Tanjay – Bais Irrigation project na nasa 39.24% accomplishment rate.
Idinagdag pa ni Avance na magkakaroon din ng 3 proyektong patubig sa hinaharap sa mga munisipalidad ng San Miguel, Calape at Guindulman sa Bohol gayundin ang Cebu at Negros Oriental ay magkakaroon ng tig-iisang proyekto.
Tiniyak din nito na patuloy na sumusuporta ang ahensya sa mga magsasaka sa pamamagitan ng teknikal na tulong at maraming mga programa.