Sumama na rin sa panawagan ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ukol sa panganib na dulot ng sakit ng leptospirosis sa mga residenteng lumulusong sa tubig baha.
Ayon sa ahensiya, kailangang mag-ingat ang publiko laban dito, lalo na at nakakamatay umano ang naturang sakit.
Maliban dito ay maaari din umano itong magdulot ng habangbuhay na dialysis o gamutan, dulot na rin ng long-term effect ng naturang sakit sa katawan ng mga biktima.
Kasabay nito ay pinag-iiwas ng National Kidney and Transplant Institute ang publiko na lumusong sa tubig baha kung hindi man maiwasan ay gumamit na lamang ng proteksyon sa paa katulad ng mahahabang bota.
Pinag-iiwas din ang publiko na magtapon ng basura sa mga drainage at mga kalye na nagdudulot ng pagbara ng mga ito, daan upang tuluyang umapaw sa mga kakalsadaan.
Ang leptospirosis ay isang impeksyong nakukuha sa mga tubig-baha na kontaminado ng ihi ng hayop, lalo na ang daga.