LA UNION – Ipapatupad ang national lockdown sa buong Italya sa Abril 3 hanggang 5.
Ito’y para maiwasan ang paglabas ng maraming tao lalo na ang mga Romano Katoliko para sa paggunita ng Mahal na Araw.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo La Union kay BINC Rhodora Villegas, tubo ng La Union, isang OFW sa Roma, Italy ipapatupad din simula bukas ang “red zones” sa tatlong rehiyon ng Italya at magtatapos sa Abril 6, 2021.
Kinabibilangan dito ang rehiyon ng Lombardy at Lazio, ang kapital na Rome at financial centre ng Italy na Milan.
Ayon kay Villegas, nagpapatupad ngayon ang gobyerno ng Italy ng bagong tiered system at ang “red zone” ang pinakamahigpit na coronavirus restrictions o katumbas ng ECQ sa Pilipinas.
Sumunod ang orange, yellow, at white na pinakamaluwag na tiered system.
Sinabi ni Villegas na muling magsasara ang mga non-essential establishments, restaurants, paaralan, at limitado muli ang paglabas ng mga tao.
Una nang ipinatupad ang bagong curfew hour noong unang mga araw ng Marso na 10:00pm to 5:00am.
Aniya, muling naalarma ang mga kinauukulan sa Italya matapos maitala ang mahigit sa 26,000 na COVID-19 cases at 380 na namatay na karamihan ay sanhi ng bagong strain ng COVID 19, sa nakaraang mga araw.
Ito’y kahit pa sinimulan na ng Italya ang vaccination program noong buwan ng Enero.
Sa ngayong, ang Italy at nakapagtala na ng mahigit sa 3.1 million cases ng COVID 19 at 101,564 death toll, kung kaya’t pangalawa itong bansa sa buong Europa na nakapagtala na ng mahigit sa 100,000 COVID 19 deaths.