Nakatakdang magbukas muli sa publiko ang National Museum of the Philippines bukas, Marso 2 matapos ang halos isang taon bunsod ng banta ng coronavirus pandemic.
Sa anunsyo ng National Museum, tatanggap silang muli ng bisita sa National Museum of Fine Arts, National Museum of Anthropology, at National Museum of Natural History na nasa loob ng Rizal Park Complex.
Gayunman, mananatili namang sarado ang National Planetarium.
Kasabay nito, naglabas na rin ng mga panuntunan ang National Museum upang masiguro ang kaligtasan ng mga bisita maging ng kanilang mga personnel.
Lahat ng central museum buildings ay bukas mula Martes hanggang Linggo maliban kapag religious holidays, kung saan ang morning session ay mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali, habang ang afternoon schedule ay mula ala-1:00 ng hapon hanggang alas-4:00 ng hapon.
Limitado lamang din sa 100 kada session ang bilang ng mga papapasukin sa kada gusali.
Tanging mga nasa edad 15 hanggang 65 lamang din ang papayagang makapasok, ngunit kailangan nilang i-pre-book ang kanilang pagbisita at least isang araw bago ang nakatakda nilang pagpunta sa museo.
Hanggang limang katao lamang din daw ang papahintulutan sa group reservations, at ipinagbabawal din muna ang mga walk-in visitors.