Naglakbay sa museo si First Lady Liza Araneta-Marcos kasama ang asawa ni Chinese President Xi Jinping na si Peng Liyuan.
Ito ay upang alamin ang tungkol sa kultura ng China habang sinamahan niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isang state visit.
Ayon kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, nilibot nina Araneta-Marcos at Peng ang National Museum of China, bago nagsagawa ng pag-uusap ang kanilang mga asawa upang pasiglahin ang mas matibay na bilateral relations ng Pilipinas at China.
Dagdag pa ng Chinese diplomat na sinabi ni Peng kay Araneta-Marcos na ang Pilipinas ay isang mahalagang bansa.
Aniya, umaasa siya na maipagpapatuloy ng mga mamamayang Pilipino at Tsino ang tradisyunal na pagkakaibigan ng kani-kanilang mga bansa at higit pang palakasin ang kanilang bilateral relations.
Nagpahayag naman ang First Lady ng kanyang pasasalamat kay Peng sa pag-imbita sa kanya na bisitahin ang National Museum of China, at nagpahayag din ng pag-asa na magkaroon ng mas mabuti at mas malalim na pag-unawa sa kasaysayan at kultura ng Tsina.