Tiniyak ng National Nutrition Council na suportado nila ang programa na muling ibalik ang nutribun feeding program bilang proyekto laban sa malnutrition.
Una nang inilunsad ni Sen. Imee Marcos nitong nakalipas na weekend ang pilot test sa nutribun feeding program sa ilang lugar sa lalawigan sa Rizal, Cebu, at Ilocos.
Kung maala noong dekada sitenta nang unang ilunsad din naman ng United States Agency for International Development (USAID) ang nutribun bilang supplement sa feeding programs para sa mga elementary school students sa panahon noon ng administrasyon ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon naman kay Azucena Dayanghirang, executive director ng National Nutrition Council, ang isang feeding program ay magandang istratehiya na nagbibigay sustansya sa katawan.
Dahil dito ay lubos daw ang kanilang suporta na ibalik ito.
Mahalaga daw na ibalik ang nutribun feeding program lalo na para sa mga paaralan sa kadahilanan na ang hunger incidence ng mga Pilipino ay patuloy na tumataas sa nagdaang taon, lalo na ngayong COVID-19 pandemic.
Sinasabing ang Department of Science and Technology ay nakapag-develope ng nutribun version na mas maraming micronutrients tulad ng iron at vitamin A.
Ayon pa sa opisyal ang nutribun ay naglalaman din ng 17.8 grams ng protein at 504 calories o nasa halos katumbas ng enerhiya na makukuha sa 2 cups ng rice.