Nilinaw ni PNP chief PGen. Camilo Pancratius Cascolan na hindi nakikipagkumpitensiya ang National Police Clearance System sa NBI clearance.
Ito’y matapos ang ginawang paglulunsad ng National Police Clearance Hub sa SM Mall of Asia kahapon, na kauna-unahan sa mga police clearance desks na itatayo sa iba’t ibang mall ng SM.
Layon nito para mas mapadali at maging mas kumbinyente sa mga mamamayan ang proseso ng pagkuha ng police clearance.
Paliwanag ni Cascolan ang National Police Clearance system ay iba sa NBI clearance, dahil mga na-file na kaso sa korte lang ang nakalista sa NBI Clearance.
Sa National Police Clearance, kasama rin aniya ang mga outstanding warrant na iniisyu ng korte, “e-warrant” at rekord ng pag-aresto na nasa kanilang “e-rogue list.”
Pero nag-uusap na aniya ang PNP at NBI para magkaroon ng kooperasyon sa pag-isyu ng mga clearance.
Kasabay nito nanawagan naman si Cascolan na gawing requirement din ng mga employer sa mga aplikante ang National Police clearance bukod sa NBI clearance para makasiguro na malinis ang background ng mga pumapasok sa kanila.