Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na nakakuha ito ng mahigit P619 milyon na kita sa nakalipas na apat na taon sa pagpapatupad ng National Police Clearance System (NPCS).
Sinabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang pondong nabuo ng National Police Clearance System (NPCS) ay isa sa mga income-generating contribution ng pulisya sa paglikom ng pondo para sa iba’t ibang proyekto ng pambansang pamahalaan.
Aniya, ang P619,136,280.00 ay nabuo sa pamamagitan ng pag-iisyu ng mahigit 4.2 milyong police clearance.
Ang police clearance ay nagsisilbi sa iba’t ibang administratibong layunin at aplikasyon sa pampubliko at pribadong mga transaksyon.
Ito ay isa sa mga pangunahing kinakailangan para sa mga aplikasyon ng trabaho at ilang mga transaksyon sa gobyerno.
Maging ang mga foreigners ay kinakailangan ding kumuha ng isa para sa lokal na trabaho at negosyo.
Kamakailan lamang, sinimulan ng PNP ang mandatory na aplikasyon ng police clearance sa lahat ng manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Batay sa pinakahuling datos, may kabuuang 12,169 police clearance ang naibigay sa mga manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) mula Setyembre 25 hanggang Nobyembre 30 ngayong taon.