Kinumpirma ng Commission on Elections na ipagpapatuloy na ng National Printing Office (NPO) ang pag-iimprenta ng mga official ballots na siyang gagamitin sa gaganaping 2025 midterm national and local election.
Ayon kay Elections chairman George Garcia, inaasahang makakapag imprenta ito ng 3,881,894 official ballots alinsunod sa mandato na nakasaad sa Omnibus Election Code.
Giit ni Garcia, ang kanilang komisyon ay susunod sa isinasaad sa batas at kanilang Terms of Reference para hindi magkaaberya.
Batay sa poll body, sa ilalim ng Omnibus Election Code ay minamandato na iprint ng National Printing Office at/o ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga opisyal na balota at election returns
Sinabi ni Garcia na ang kontrata sa pagitan ng Comelec at ng Miru Systems joint venture ay nagsasaad na sa huli ay magbibigay ito ng ballot printing system, ballot paper, ballot verification system, kagamitan at lahat ng iba pang kaugnay na produkto at serbisyo sa NPO.
Kung maaalala, ang ballot printing, ballot paper, and ballot verification services ay bahagi ng kontrata na iginawad sa Miru na bahagi ng kanilang Full Automation System with Transparency Audit/Count project.