Nakatakdang makipagpulong ngayong linggo ang National Privacy Commission (NPC) sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa imbestigasyon ng tinaguriang “personalized text scams.”
Una nang nakipag-meeting din ang privacy watchdog sa mga telco officials at maging sa National Telecommunications Commission (NTC).
Lumalabas sa naturang modus na ang smishing attacks, o SMS messages ay naglalayong lokohin ang mga biktima sa pamamagitan ng pagkuha ng personal information, tulad na lamang ng buong pangalan ng mga mabibiktima.
Nilinaw naman ng NPC Public Information and Assistance Division na makikipagpulong din sila sa mga kompaniya na may kinalaman sa messaging apps, ilang mga bangko, e-wallet, at e-money issuer companies bilang bahagi ng imbestigasyon.
May hinala naman ang NPC sa posibilidad na data breach, kung saan ang mga scammers ay gumagamit na ng automated scraping at harvesting process upang makakalap ng mga pangalan at contact numbers.
Samantala, sa darating na Miyerkules pagkakataon naman ng Senado na imbestigahan ang naturang usapin.