-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Binigyan ng bagsak na grado ng National Public Transport Coalition (NPTC) si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa unang taon ng kanyang panunungkulan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Ariel Lim, chairman at convenor ng NPTC na kung siya ang tatanungin, hindi pa aabot sa 75% ang ibibigay niyang grado kay Pangulong Marcos.

Aniya, hindi maganda ang isang taon na paghawak sa transportasyon sa bansa dahil ang daming naitalang problema tulad ng plaka at driver’s license card.

May mga problema rin sa airlines at sa marina.

Umaasa naman sila na sa mga susunod na taon ay maayos na ang mga problemang ito at makakagawa na ang pamahalaan ng solusyon para malutas ang mga problemang naitala sa unang taon na panunungkulan ng pangulo.

Mungkahi niya na kung gusto talagang maayos ang mga problemang ito ay kausapin ang mga sektor na apektado dahil sila ang nakakaalam ng problema at sa solusyon na dapat gawin.

Sa mga susunod na taon pang panunungkulan ni Pangulong Marcos ay nais nilang maayos ang pagbibigay ng prangkisa sa mga namamasadang sasakyan gayundin ang polisiya ng Land Transportation Office (LTO) sa panghuhuli dahil punung-puno ito ng korapsyon.

Dapat aniyang tutukan ng pamahalaan ang korapsyon na talamak hindi lamang sa sektor ng transportasyon kundi maging sa iba pang sektor.