-- Advertisements --

Pasado 5:20 p.m nang mapayapang natapos ang isinagawang nationwide ‘National Rally for Peace’ ng pamunuan ng Iglesia ni Cristo (INC) kung saan umabot ang bilang nito sa 1.8 million na mga miyembro ng INC ang dumalo sa Quirino Grandstand.

Isa ito sa 13 sites na isinagawang nationwide rally ng INC sa buong bansa kung saan dagsa rin ang mga miyembro nito sa mga lugar ng Sports Complex nang Ilagan City, Provincial Capitol ng Palawan, Sawangan Park sa Legazpi City, Freedom Grandstand sa Bacolod City, Ormoc City Plaza sa Leyte, South Road Properties (SRP) Grounds sa Cebu City, Pagadian City Proper sa Zamboanga del Sur, Plaza Divisoria sa Cagayan de Oro City, San Pedro Square sa Davao City at Butuan Sport Complex sa Agusan del Norte.

Samantala, umaasa naman ang Malacañang na ang isinagawang ‘National rally for peace’ ay magbibigay ng kaliwanagan sa mga isyu na kinahaharap ng bansa.

Binigyang diin naman ng mga kapatid natin sa INC ang kahalagahan ng pagkakaisa at kapayapaan sa gitna ng gulo sa pulitika sa bansa.

Ayon kay Kapatid na Aileen na isa sa mga nakausap ng Bombo Radyo na tumangging ibigay ang last name at lugar kung saan ito nakatala.

‘Napakagandang experience samin kasi kahit papaano na inano (napakita) namin yung hinahing namin or kung ano yung nararamdaman namin tungkol sa kalagayan ng ating bayan,’ saad nito.

Patuloy namang bineberipika ng pamunuan ng Society Communicator and Network International (SCAN) units ng INC kung ilan sa mga miyembro nito ang nabigyan ng mga medikal na karampatang tulong.

Bagama’t wala pang bilang na inilalabas ang pamunuan ng INC sinabi naman ng mga ito na tumanggi nang magbigay ng panayam sa Bombo Radyo, mula ng magdatingan ang mga miyembro nito kaninang 6:00 a.m (Enero 13, 2025), ay ‘wala pa silang naitalang mga kaso ng nasugatan o nahilo hanggang sa matapos ito ngayong araw.