Nanindigan si Senador Sherwin Gatchalian na hindi na kinakailangan ang national screening test upang masuri kung sinong mag-aaral ang dapat makatanggap ng libreng kolehiyo.
Ang panawagan ng Senador ay sa gitna ng iminumungkahing pagrepaso sa Universal Access to Quality Tertiary Education o Republic Act No. 10931.
Nais ng Senador na palawakin ang kapasidad ng mga State Universities and Colleges nang sa gayon ay mas maraming mga kwalipikadong mag-aaral ang makinabang sa libreng kolehiyo.
Giit pa nito, mahalagang hakbang ang pagpapatupad ng libreng kolehiyo upang mabigyan ang mga kabataan ng mas magandang kinabukasan.
Isinusulong din ng Senador ang pagkakaroon ng roadmap para tugunan ang mga kakulangang ng limitadong kapasidad ng mga SUCs dahil maraming mag-aaral ang apektado nito.
Para sa 2024, humigit-kumulang P51.1 bilyon ang kinakailangan para sa pagpapatupad ng free higher education law.
Tiniyak ng Senador na sa pamamagitan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), patuloy ang pagsisikap na patatagin ang basic education sa bansa upang tumaas ang tsansa ng mga mag-aaral na makapasok at makatapos ng kolehiyo.