Binigyang diin ng National Security Council (NSC) na ang paglalagay ng mga boya sa West Philippine Sea (WPS) ay ginawa para sa kaligtasan sa paglalayag at nabibigyang katwiran sa ilalim ng mga internasyonal na pamantayan.
Sa isang pahayag, sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año na ang paglalagay ng mga boya sa WPS ay alinsunod sa mga obligasyon ng Pilipinas sa ilalim ng international law.
Aniya, bilang isang maritime nation, kailangang unahin ng Pilipinas ang pagpapanatili ng kaligtasan sa paglalayag upang matiyak ang proteksyon ng mga katubigan at ng mga taong umaasa dito sa pangisdaan.
Kasunod ng paglalagay ng Philippine Coast Guard ng mga marker sa WPS, nagdeploy ang China ng tatlong beacon sa palibot ng Spratly Islands.
Dagdag dito, ang Vietnam, sa kabilang banda, ay pinuna ang mga aksyon ng dalawang bansa, na sinasabing nilalabag nito ang kanilang mga karapatan sa soberanya.
Ang China, Vietnam at Pilipinas ay may magkakapatong na pag-angkin sa West Ph Sea na kung saan inaangkin ng China ang halos buong rehiyon bilang teritoryo nito, kabilang ang mga katubigan na nasa loob ng Exclusive Economic Zones (EEC) ng Vietnam , Pilipinas.
Sinabi ni Año na limang cardinal mark buoy ang una nang inilagay sa EEZ ng Pilipinas noong nakaraang linggo.
Kung matatandaan, ang Philippine Coast Guard ay naglalagay ng navigational buoy sa WPS mula noong nakaraang taon kabilang ang lima sa paligid ng Lawak, Likas, Parola, at Pag-asa Island.
Ipinunto ni Año na ang pagpapabaya sa kaligtasan sa paglalayag at pagkagambala nito ay maaaring humantong sa mga aksidente, pagkawala ng buhay, at pinsala sa kapaligiran.
Idinagdag niya na dahil ang mga maritime border ng Pilipinas ay mahina sa mga banta tulad ng piracy, smuggling, at terorismo, ang pagpapanatili ng kaligtasan sa paglalayag ay kritikal upang maprotektahan ang bansa laban sa naturang mga banta.