Tiniyak ng National Security Council (NSC) na kaisa ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtataguyod ng mga karapatan ng bansa at integridad ng teritoryo.
Ayon kay National Security Adviser Eduardo Año,suportado nila ang deklarasyon ng Pangulo na ang gobyerno ng Pilipinas ay patuloy na magtataguyod ng mga karapatan sa soberanya at mapangalagaan ang integridad ng teritoryo ng ating bansa.
Aniya, sa gabay ng Pangulo, ang National Task Force – West Philippine Sea ay magbibigay-diin sa kahalagahan ng panlipunang pagkakaisa sa mga Sambayanang Pilipino.
Ang pahayag ni Año ay bilang tugon sa panata ng Chief Executive na protektahan ang mga karapatan sa soberanya ng bansa at panatilihin ang integridad ng teritoryo nito sa kanyang ikalawang State of the Nation Address.
Nangako ang opisyal na hinding-hindi sila mag-aalinlangan sa pagtataguyod ng pagpapatupad ng 2016 Arbitral Award hinggil sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea, bilang pagtatanggol sa isang rules-based international order, sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Sinabi rin ng National Security Council na sinusuportahan nila ang direktiba ni Pang. Marcos na walang humpay na ipagpatuloy ang paglaban sa ilegal na droga, gayundin ang pag-aresto at pag-uusig sa mga smuggler at hoarders sa buong bansa.