ILOILO CITY – Dumipensa si National Task Force Against COVID-19 chairman at Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos lomobo ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagkalat rin ng UK at South Africa variant sa lahat ng mga lungsod sa Metro Manila.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lorenzana, sinabi nito na kabilang sa mga tinitingnan nilang dahilan sa paglobo ng kaso ng COVID-19 ay ang pagkampante ng publiko sa pagdating ng bakuna kung kaya’t hindi na sila sumusunod sa health protocol.
Maliban dito, mas nakakahawa rin anya ang bagong variant ng COVID-19 na nakapasok sa bansa.
Dahil sa pagtaas anya ng kaso ng COVID-19 lalo na sa Metro Manila, minabuti na lang nila na i-lockdown ang mga lugar na may mataas na kaso ng virus at pagsailalim sa General Community Quarantine (GCQ).