NAGA CITY- Tahasang binanatan ng National Union of the Student of the Philippines si Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa kaugnay ng isyu sa umano’y mga nangyayaring recruitment ng mga rebeldeng grupo sa mga kabataan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Raoul Manuel, Presidente ng naturang organisasyon, sinabi nitong kabago-bago pa lamang aniya ni Dela Rosa sa Senado ngunit tila nagpapasikat na.
Wala rin aniya itong kredibilidad para sa pagtalakay sa nasabing usapin dahil ito mismo ang nanguna sa war on drugs at Oplan Tokhang kung saan maraming mga kabataan ang nadamay at nawalan ng buhay.
Ayon kay Manuel, maraming mga problema at isyu ngayon sa Pilipinas na nangangailangan ng atensyon na dapat pagtuunan ng pansin ng senador.
Aniya, kinokondena nila ang palabas na ginagawa ngayon ng gobyerno para lamang siraan ang mga mass organizations.