Hinamon ng National Wage Coalition ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) – National Capital Region (NCR) na taasan ang sahod ng mga manggagawa ng hanggang P150.00.
Ito ay kasabay ng isinagawang public hearing ukol sa pagtaas ng minimum wage para sa mga mangagawa ng pribadong sektor sa Metro Manila.
Ayon sa grupo, ang pagtaas ng P150 sa minimum na sahod ng mga mangagawa ay ang unang hakbang para maprotektahan at matugunan ang karapatan ng mga mangagawang Pilipino na tumanggap ng nakakabuhay na sahod.
Kung maliit na wage increase lamang umano ang kayang maibigay ng wage board ay nangangahulugan itong kailangan nang buwagin ang regional wage-setting mechanism.
Ayon sa grupo, malinaw na hindi sapat ang kasalukuyang minimum wage ng mga mangagawang Pilipino, para makabili ng akmang pagkain para sa kani-kanilang mga pamilya.
Sa kasalukuyan ay itinutulak ng grupo ang pagkakapasa ng legislated P150 na dagdag minimum wage sa mga mangagawa, na siya namang patuloy na dinidinig ng Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso.