-- Advertisements --

Makikipag-alyansa na ang mga miyembro ng Nationalist People’s Coalition sa Partido Federal ng Pilipinas na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa 2025 midterm elections.

Ito ang kinumpirma ng chairman ng NPC na si dating Senate President Vicente Sotto III ngayong araw ng Sabado.

Ang mga miyembro nga ng naturang koalisyon ay kabilang din sa UniTeam Senatorial slate ni PBBM noong 2022 elections.

Nakatakda namang isapormal ang naturang alyansa sa isang seremoniya sa lungsod ng Makati ngayong araw.

Sinabi pa ni dating Sen. Sotto na palagi nilang suportado ang nahalal na Pangulo at patuloy din ang kanilang pagsusulong para sa pagkakaisa ng mga lider ng bansa. Bunsod nito, makikinig ang kanilang partido sa tawag ng PFP.

Inihayag din ni Sotto na naniniwala siyang magpapalakas pa ang alyansa sa kooperasyon at matatag na suporta para sa Pangulo dahil ang kanilang partido ay mayroong halos 4,000 miyembro kung saan 1,910 dito ay kasalukuyang public officials. Mayroon ding 5 upuan ang NPC sa Senado at 38 naman sa kamara.

Inaasahan naman na dadalo si Pangulong Marcos sa alliance signing ng Partido federal at Nationalist party ngayong araw.

Kamakailan, nakipag-alyansa din ang PFP sa Lakas-Christian Muslim Democrats na pinakamalaking faction sa Mababang kapulungan ng Kongreso.