Naglunsad na rin ng imbestigasyon ang Nationalist People’s Coalition (NPC) sa pinagmulan ng kanilang miyembro na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa gitna ng kwestyonableng nasyonalidad nito.
Ayon kay NPC chirman at dating Senate President Vicente Sotto III tumakbo at nanalo bilang independent candidate si Mayor Guo subalit umanib ito matapos manalo noong 2022 elections sa NPC na nakipag-alyansa naman kamakailan lamang sa Partido Federal Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nilinaw naman ni Sotto na matapos ang kontrobersiya na bumabalot sa alkalde, agad sinimulan ng NPC ang pag-imbestiga sa Bamban mayor.
Hiniling din ni Sotto kay Tarlac Gov. Susan Yap na tignan ang kaso ni Guo.
Samantala, sinabi naman ng dating Senate President na kapag mayroong paglabag sa panuntunan ang isang miyembro ng partido kanilang pagdedesisyunan ito gaya ng naging kaso ng pinatalsik na mambabatas na si dating Cong. Arnolfo Teves Jr.
Paliwanag pa ni Sotto na kahit na kapartido nila si Guo subalit sangkot ito sa POGO activities, human trafficking kanilang i-escalate ito sa partido at i-expel.