Kinumpirma ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na sa darating na Miyerkules, May 30,2018 national launching ng taunang Brigada Eskwela na gaganapin sa General Santos City, limang araw bago ang pasukan na nakatakda sa June 4.
Ayon kay Briones, bago pa ang national launching, nagsimula na ang mga guro at mga magulang sa paghahanda ng mga classrooms.
Inihayag ng kalihim una na silang nagsagawa ng Brigada Eskwela sa Marawi City dahil sira ang mga classrooms duon.
Gayunpaman, sinabi ni Briones na bago ang national launching, nitong buong buwan ng Mayo nagsimula na rin ang ibat ibang paaralan sa bansa na ayusin ang mga classrooms para sa pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral.
Ipinaliwanag naman ni Briones kung bakit sa General Santos pinili ng DepEd na isagawa ang formal launching ng Brigada Eskwela 2018, ito ay tradisyon ng DepEd na kada sa ibat ibang lugar ito inilulunsad.
Aniya, nuong nakaraang taon sa Visayas nila ginawa, ngayong taon sa Mindanao at sa susunod na taon ay dito na sa Luzon.
Plano naman ng DepEd na makapag hire pa ng mas maraming grupo ng sa gayon maiwasan na crowded sa isang classroom ang mga mag-aaral.
Target din nito na magkaroon ng 25 estudyante bawat classroom sa kindergarten.
Habang 35 estudyante sa Grades 1 hanggang Grade 5 at nasa 40 estudyante naman sa Grades 5 at 6.
May go signal na rin ang Department of Budget and Management (DBM) sa DepEd na mag hire ng 75,000 dagdag na mga guro.
Mataas ang tiyansa ng mga guro na nagtuturo ng Science and Mathematics ang ma ha-hire dahil mas kailangan ito ngayon sa senior high school program ng departamento.