CAGAYAN DE ORO CITY – Mas pinahihigpitan pa ngayon ni Mindanao International Container Terminal (MICT) collector John Simon ang pagbabantay sa natitirang mga basura na ipinuslit sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Ito ay matapos sinunog ang nasa 5,000 toneladang basura ng South Korea na pansamantalang nakalagak sa Sitio Bugwak, Brgy Sta Cruz sa naturang bayan.
Kaagad namang naapula ang apoy kung kaya’t hindi na nakapagdulot ng malaking pinsala.
Hindi man direktang pinangalanan, pero sinabi ni Simon na malaki ang kanyang paniniwala na ang mga responsable sa pagpuslit ng mga basura ang nasa likod ng panununog.
Matatandaang ipinasok ng kompaniyang Verde Soko Philippines Industrial Corporation ang mga basura noong Hulyo taong 2018.
Nakaimpake na at handa na sanang ibalik sa South Korea ang naturang mga basura bago nangyari ang insidente.