Tiniyak ng Joint Task Force Ranao na gagawin ng militar ang lahat para matapos ang sagupaan ngayong araw.
Ayon kay Joint Task Force Ranao deputy commander Col. Romeo Brawner, wala pang deadline na itinakda ang militar kung kailan matatatapos ang giyera sa Marawi pero maaaring matapos ito ngayong araw.
“Our government forces will try to do everything to finish the firefight today,” wika ni Brawner.
Mayroon pa aniya kasing putukan kaninang tanghali kaya posibleng magpapatuloy pa rin ang sagupaan hanggang hatinggabi.
Positibo naman ang militar na walang ng hostages na hawak ng mga natitirang Maute stragglers.
Inihayag ni Brawner nasa 30 Maute-ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) terrorists na lamang ang nananatili sa war zone kabilang na ang mga napaulat na nasugatan sa mga labanan.
“There is is still firefight going on inside the main battle area, but the Maute-ISIS is only occupying one building,” dagdag pa ni Brawner.
Hindi naman nito masabi kung ilan sa natitirang 30 ang patay at ilan ang buhay dahil nagpapakita pa rin ng resistance ang teroristang grupo.
Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mga residente ng Marawi ang siyang makakabalik sa kani-kanilang tahanan at hindi mahahaluan ng mga hindi residente.
Aniya, ang magiging basehan o baseline ng militar ay ang census na ginawa ng pamahalaan pero “subject for verification” pa ang mga ito ng AFP at Philippine National Police.
Sa ngayon hinihintay na lamang ng militar ang mga isusumiteng kondisyon na itinakda ng AFP sa pamahalaang lokal ng Marawi at Lanao del Sur.
Ayon kay Brawner, sa sandaling makompleto na ang hinihiling nilang kondisyon ay kanila nang papayagan na makabalik ang mga residente.