-- Advertisements --

Tiniyak ngayon ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na nakahanda ang pamahalaan na magsagawa ng evacuation sa mga natitirang Pinoy sa Myanmar kung sakaling lumala ang sitwasyon.

DFA LOCSIN 2
Secretary Teodoro Locsin Jr.

Bago ang COVID pandemic, nasa mahigit 1,000 ang mga Pilipino doon.

Naniniwala naman si Locsin na dahil nasa ilalim ngayon sa military emergency ang Myanmar, wala namang mangyayaring masama sa mga Pilipino doon lalo na at hindi sila nakikisawsaw sa panloob na usapin.

Kinumpirma rin naman ng kalihim na nakatakda siyang makipagpulong nitong Lunes kay Philippine Ambassador to Myanmar Eduardo “Red” Kapunan upang pag-usapan ang sitwasyon.

Ayon pa kay Sec. Locsin isusulong nila na maibalik sa dating kalagayan ang Myanmar o status quo at sana mapalaya ang civilian leader na si Aung San Suu Kyi.