Nag-deklara na ang Department of Health (DOH) ng National Dengue Epidemic kasunod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng sakit na dengue sa buong bansa.
Batay sa record ng DOH, lumobo pa sa 146,062 ang kaso ng dengue mula Enero hanggang noong nakaraang Hulyo. Nasa 622 naman na ang nasawi.
Katumbas ito ng 98-percent na increase mula sa bilang ng parehong mga buwan noong nakaraang taon.
Lumabas sa Dengue Surveillance Report ng DOH na Western Visayas ang may pinaka-mataas na dengue case sa 23,330; sinundan ito ng Calabarzon sa 16,515 cases at Zamboanga Peninsula na may 12,317 na kaso.
Mataas din ang dengue case sa Northern Mindanao na may 11,455 at Soccsksargen na may 11,083 cases.
“It is important that a national epidemic be declared in these area to identify where a localized response is needed, and to enable the local government units to use their Quick Response Fund to address the epidemic situation,” ani Health Sec. Francisco Duque III.
Nabatid din ng DOH na lumampas na sa epidemic threshold ang kaso ng dengue sa nabanggit na mga rehiyon kasama ang Mimaropa at Bicol.
Habang lagpas na sa alert threshold ang mga kaso ng naturang sakit sa Ilocos region, Central Visayas at Bangsamoro region.
Inanunsyo ni Duque ang National Dengue Epidemic sa isang press conference kasama sina Department of Science and Technology (DOST) Sec. Fortunato dela Pena, Department of National Defense Sec. Delfin Lorenzana at National Disaster Risk Reduction and Management Council Usec. Ricardo Jalad.