Pinag-aaralan na raw ng Department of Health ang posibilidad ng pagdedeklara ng national dengue epidemic dahil sa nakakaalarmang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng nasabing sakit sa ilang mga rehiyon.
Sinabi ni Health Usec. Eric Domingo sa isang panayam, nakapagtala na raw sila ng 146,000 dengue cases sa katapusan ng buwan ng Hulyo.
Paglalahad pa ng opisyal, ang mga rehiyon ng Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Northern Mindanao ay nakaabot na sa epidemic threshold.
Mino-monitor din aniya ng kagawaran ang Ilocos region, Central Visayas, at BARMM na nasa pagitan na raw ng alert level at epidemic level.
Ayon kay Domingo, mag-iisyu raw sila ng deklarasyon sa oras na makuha na nila ang lahat ng mga impormasyon sa susunod na linggo.
Sa pagtataya rin daw ng kagawaran, posibleng tumagal ang epidemya hanggang Setyembre.