BUTUAN CITY – Binuksan na ngayong araw, MIyerkules Hulyo a-3, ng Office of the Civil Defense o OCD-Caraga ang National Disaster Resilience Month celebration sa pamamagitan ng misa sa St. Joseph Cathedral na sinundan ng motorkada mula sa Guingona Park hanggang sa Police Regional Office-13 grounds sa Brgy. Libertad nitong lungsod ng Butuan kungsaan isinagawa ang opening program.
Nanguna sa selebrasyon ang mga representante ng Caraga Regional Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ayon kay OCD-Caraga spokesperson Ronald Anthony Briol, may mga nakahanay pa silang mga aktibidad para sa buong buwang selebrasyon gaya ng gaganaping Rescue Summit ngayong Hulyo a-9 hanggang a-11 sa Dinagat Islands province.
Dito nila susubukan ang kahandaan o interoperability ng kanilang mga first responders sakaling may darating na kalamidad.
Susundan ito ng ‘Usapang Resilience’ ngayong Hulyo a-24, isang live panel show kungsaan tatalakayin ng kanilang mga bisita ang mga isyung may kaugnayan sa kalamidad hanggang sa culmination activity sa Hulyo a-29.
Dagdag pa ni Briol, na ang mga aktibidad nila ngayong taon ay umiikot sa mga paghahanda sa mga posibleng tatamang kalamidad base na sa tema ng selebrasyon na ‘Bantayog ng Katatagan at ang Pagbubuklod sa Layuning Kahandaan’.
Partikular nilang pinaghahandaan ang posibleng malakas na lindol o ang ‘The Big One’.