CAGAYAN DE ORO CITY – Napapanahon nang buhusan ng malakas na puwersa ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang usaping exteral security katulad ng ginawang pinakahuling probokasyon na ginawa ng China sa Philippine Navy personnel sa West Philippine Sea.
Ito ang reaksyon ng international lawyer na si Antonio La Viña patungkol sa harap-harapan na pag-atakeng pisikal ng Chinese Coast Guard ng tropang Pinoy dahilan na pitong sundalo ang sugatan ma-idepensa lang ang teritoryong pag-aari ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ng law school professor na kailangang tapatan ng diskarte ng Armed Forces of the Philippines ang mga hakbang-militar ng Tsina para panghinaan ng loob ang Pilipinas sa usaping teritoryo.
Sinabi ni La Viña na tama ang mga desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr bilang commander-in-chief upang maiparating sa international community kung gaano inabuso at minamaliit ng China ang Pilipinas sa nabanggit na isyu.
Tiwala rin ito na tutulong ang mga kaalyadong bansa katulad ng Estados Unidos sa posisyon ng Pilipinas laban sa panghihimasok ng Tsina sa mismong barukan nito.