-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Mismong si Kabacan Cotabato Mayor Herlo Guzman Jr ang nagsabing nalalapit na ang pagsasaayos ng Department of Public Works and Highways sa national highway ng bayan.

Ibinalita ng alkalde na nakausap na nito ang regional director ng DPWH na si Engr. Basir Ibrahim.

Naging maayos naman daw ang kanilang pag-uusap kaugnay na rin sa sitwasyon ng national highway ng bayan.

Dagdag pa ng opisyal, sa oras na magsimula ang isasagawang pagsasaayos, may mga daan sa bayan na gagawing diversion road.

Ilan na nga rito ang Saranay St., Aglipay St., Antonio Luna St., Sunset Drive, at Sunrise Drive. Giit ng alkalde, mahihirapan man ang daloy ng trapiko, mas magiging maginhawa naman ito sa oras na matapos na ang proyekto.

Paglilinaw pa niya, hindi pa ito ang road widening bagkus, road re-blocking muna ang proyekto. Ibig sabihin, aayusin ang mga daang outer lanes sa bayan mula sa Masagana Highway hanggang sa may crossing ng Rizal Avenue o USM Avenue.

Ito na rin umano ang panahon upang maisagawa ang pagsasaayos ng kanal ng Mercado St. papuntang Roxas St.

Sa ngayon, isinasaayos na ng lokal na pamahalaan ang lahat ng kailangan upang sa oras na magsimula ang proyekto ay mabilis itong matatapos.