Nakapag-ikot na si National Historical Commission of the Philippines (NHCP) chairman Rene Escalante sa Pampanga para bisitahin ang mga simbahang apektado ng magnitude 6.1 na lindol.
Magugunitang tatlong simbahan sa Angeles, Lubao at Guagua na naideklarang National Historical Landmarks ang nagtamo ng pinsala dahil sa lindol.
Kaugnay nito, nirekomenda ng NHCP sa mga taga-simbahan na ipasara muna ang mga ito para sa kaligtasan ng mga mananampalataya.
Gayunman, inihayag ni Escalante na hindi nila mataya pa ang kinakailangang halaga para sa pagpapagawa ng mga simbahan.
Sa sandali raw na may eksaktong halaga na sila ng kinakailangang pondo, dudulog raw sila sa Department of Budget and Management (DBM) para may mailaan para dito.
“These are cultural properties, I think it is the duty of the state to preserve and restore. And we really appreciate if the administration will appropriate certain amount for this,†ani Escalante.
Pinakaapektado ng lindol ang Saint Catherine Parish sa Porac, Pampanga pero nilinaw ni Escalante na hindi ito kasama sa mga idineklarang historical landmark at hindi rin kabilang sa mga national cultural treasures na tinukoy ng National Museum.
Gayunman, sang-ayon kay National Museum of the Philippines Director Jeremy Barns, sakop naman ng heritage law ang naturang simbahan kaya maaari pa ring makapaglaan ang gobyerno ng pondo para ipaayos ito.