LEGAZPI CITY – Pinag-aaralan na ng National Meat Inspection Services (NMIS) Bicol ang paglalagay ng mga checkpoints sa dinadaanan ng transhipment o container terminals ng mga karne at iba pang meat products.
Ito ay upang masiguro na hindi makakapasok sa rehiyon ang anumang karne na kontaminado ng nakakahawang sakit sa iba pang mga hayop partikular na sa baboy.
Inihayag ni NMIS Bicol Director Alex Templonuevo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hinigpitan pa ang routine procedures ng meat inspectors at nananatiling alerto lalo na sa mga slaughterhouse.
Tinawag din nito ang atensyon ng mga beterinaryo sa iba’t ibang lokal na pamahalaan upang makita kung may sakit ang hayop na kakatayin.
Sa kabila nito, mas malaki aniya ang panganib sa anumang nakakahawang sakit kung hindi kinatay sa slaughterhouse ang hayop.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Bureau of Animal Industry (BAI) kung hindi muna papayagang makapasok ang mga karne na mula sa Region IV-A o CALABARZON matapos mabatid na ilang barangay sa Rizal ang isinailalim muna sa quarantine ang mga baboy.