-- Advertisements --

Inendorso na ng National People’s Congress (NPC) ang resolusyon na magbibgay pahintulot sa Standing Committee ng Hong Kong para gawin nang batas ang isinusulong na national secuity bill ng China sa nasabing rehiyon.

Ang naturang resolusyon ay inaprubahan ng 2,878 deputies mula China kung saan isang mambabatas lamang ang hindi pumayag habang ang anim naman ay pinili na mag-abstain.

Ginawa ito ilang oras lamang matapos ihayag ni US Secretary of State Mike Pompeo na hindi na kinikilala ng Estados Unidos ang Hong Kong.

Ang nasabing panukala ay magiging daan upang ipagbawal ang treason, secession, sedition at subversion sa Hong Kong.

Sa ilalim din ng nasabing batas ay kakailanganin ng Hong Kong government na magtayo ng bagong institusyon para pangalagaan ang kanilang soberanya habang papayagan naman ang mainland China na maglagay ng mga ahensya sa naturang lungsod.

Una nang itinanggi ni Hong Kong chief executive Carrie Lam na makakaapekto sa karapatan ng mga taga-Hong Kong ang isinusulong na national security law ng China.

Ayon kay Lam, responsibilidad pa rin umano nito na protektaham ang kaniyang nasasakupan sa kabila ng kilos-protesta na kanilang ginagawa.

Dagdag pa nito na wala pang malinaw na detalye ang panukala kung kaya’t hindi dapat ito pakialaman ng ilang bansa na una nang nagpahayag ng kanilang pagkabahala.

Isa na rito ang Estados Unidos na tahasang inamin na handa itong patawan ng parusa ang Beijing sa oras na ituloy ng nasabing bansa ang panghihimasok sa Hong Kong.